Paalala ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mag-ingat sa paglalabas ng mga dokumento na hindi dumaan sa “validation”.
Ayon sa AFP Chief, “less talk, and more action” ang kanilang dapat gawin.
Kinakailangan aniyang pagsisikapan na makakuha muna ng ebidensya, dahil unfair para sa isang indibidwal o organisasyon na i-red tag nang walang batayan.
Ito ay matapos ang “red tagging” incident kamakailan kung saan naglabas ng listahan ng mga umano’y estudyante ng UP na napatay o nahuli sa enkwentro sa NPA ang AFP intelligence (J2) at isinapubliko ng AFP Civil Military Operations (J7), na dahilan ng pagkakasibak sa pwesto kay MGen. Alex Luna, ang Intelligence chief ng AFP.
Utos ni Sobejana sa kanyang mga senior officers na maging maingat sila sa pagtukoy sa mga indibidwal na may koneksyon sa makakaliwang grupo.
Pagtitiyak ni Sobejana na sa kanyang pamumuno sa AFP ang lahat na ilalabas ng militar na listahan o dokumento ng mga indibidwal na mga kalaban ng estado ay “evidence-based” ito.