Mahigpit na tinututukan ng Marikina City Government sa harap ng panananalasa ng Bagyong Rolly ang level ng tubig sa Marikina River na posibleng magdulot ng pagbaha kapag tumaas ng husto.
Ngayong hapon ay nasa mahigit 12 meters pa ang taas ng tubig sa Marikina River.
Magpapatupad naman ng pre-emptive evacuation ang local na pamahalaan kapag umakyat na sa 16 hanggang 17 meters ang level ng tubig sa Marikina River at ipapatupad ang forced evacuation kapag naabot nito ang critical level na 18 meters.
Pero kahit hindi pa ito nangyayari ay may mga lumikas na at nananatili ngayon sa evacuation center sa Nangka Elementary School.
Ayon kay Marikina Mayor Marcy Teodoro, nag-alala ang mga residente sa lakas ng bagyong Rolly kaya may mga lumikas na kahit malayo pa sa critical level ang Marikina River.
Mayroon na ring mga evacuees sa Malanday Elementary School.
Nasa 35 ang inihandang evacuation sites ng Marikina LGU para hindi magsiksikan ang mga ililikas na pamilya at para matiyak ang pagpapatupad ng health protocols laban sa COVID 19, tulad ng physical distancing.
Aalamin din muna ang temperature ng mga papasok sa evacuation centers at mayroon ding inilaang sariling kwarto para sa mga may kaoansanan, buntis, lactating mothers at mga senior citizens.