LGBTQIA+ community, makatatanggap na rin ng mga benepisyo mula sa lokal na pamahalaan ng Maynila

Makatatanggap na rin ng mga benepisyo at iba pang serbisyo ang mga lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual (LGBTQIA+).

Ayon kay Mayor Honey Lacuna, paglalaanan nila ng pondo ang nasabing komunidad matapos ang ikakasa nilang pagpaparehistro sa mga naturang indibidwal.

Una nang inatasan ng alkalde ang Manila Gender Sensitivity and Development Council na gumawa ng listahan ng mga nagparehistrong LGBTQIA+ katulad ng mga persons with disability (PWDs) at senior citizen.


Bukod dito, inatasan din ni Mayor Honey ang 896 na barangay na magtalaga ng Gender And Development (GAD) Action Officers na tututok sa kapakanan at pangangailangan ng mga kababaihan at LGBTQIA+.

Pinasisiguro din ng alkalde sa bawat opisyal ng barangay na maayos na naipatutupad ang City Ordinance No. 8695 o pagprotekta at anti-discrimantion sa mga miyembro ng LGBTQIA+.

Kabilang sa mga isasama sa listahan ng LGBTQIA+ ay ang mga residente na nagta-trabaho, nag-aaral at may negosyo sa lungsod ng Maynila.

Inutusan din ni Mayor Honey sa lahat ng concerned units at tanggapan ng Manila LGU na gumawa ng mga programa para mapaunlad pa ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ bukod pa sa mga social hygiene clinics.

Facebook Comments