Bukas na ang LGBTQIA+ community na amyendahan ang ilang probisyon ng Sexual Orientation, Gender Identity and Expression o SOGIE Bill.
Ito ang sinabi ni Senator Risa Hontiveros na siyang pangunahing nagsusulong ng SOGIE bill sa Senado.
Matatandaang tatalakayin na sana noong nakaraang taon sa plenaryo ang SOGIE bill matapos itong makalusot sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality subalit ibinalik ito sa Committee on Rules ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang panukala dahil sa napakaraming pagtutol mula sa religious sector at iba ibang grupo.
Ayon kay Hontiveros, nag-adjust na ang community at nagpahayag na ng kahandaan na amyendahan ang ilang mga probisyon para mapagtibay na sa lalong madaling panahon ang panukala na inabot na ng dalawang dekada ang pagsusulong.
Hiling ni Hontiveros sa Rules committee na ibalik ang SOGIE Bill sa kanyang komite para maisagawa nila ang nasa 12 amyenda kabilang ang amendments sa academic freedom, parental authority, at marriage license.
Tiniyak pa ng senadora na palagi namang bukas ang LGBTQIA+ community sa mga amyenda sa SOGIE Bill basta’t consistent lamang sa pinakanilalayon ng panukala.
Magkagayunman, hanggang sa ngayon ay hindi na nasundan ang pulong ng komite ni Hontiveros sa Committee on Rules at wala pa ring sagot si Villanueva kaugnay sa estado ng SOGIE Bill sa Senado.