Paano kung nasa bayan ng Asingan pala ang susunod sa yapak ng ating “Pambansang Kamao” ng Pilipinas na si Manny Pacquiao?
Kasalukuyang nahuhumaling ang mga kabataan doon sa sports na boxing at ito’y suportado ng alkalde dahil personal nitong inabot ang kumpletong kagamitan para sa mga batang boksingero gaya ng punching bag, boxing gloves, ankle weights, head guards, mouthguards at marami pang iba.
Si Lester Jay Balisi at sampung iba pang nasa edad labing dalawang taon hanggang labing anim na taon gulang (12-16 yrs old) ay miyembro ng boxing team ng bayan ng Asingan na kasalukuyang kinocoach ng gurong si Florencio Tabin Jr., sa Carosucan Sur National High School.
Mula sa pagiging basagulero ni Lester, dito sa sports na ito ay natutunan niya ang disiplina, mahabang pasensya, pag iwas sa bisyo at ang pagrespeto sa mga tao lalo na sa nakakatanda.
Napatunayan din ni Lester ang kanyang pagmamahal sa boxing dahil sa kakatapos na Region 1 Athletic Association (R1AA) Meet ay nakasungkit siya ng bronze medal.
Bagamat delikado ang boksing para sa mga boksingero ng Carosucan Sur Asingan ang bagsik ng kanilang kamao ang nakikita nilang daan tungo sa pag asenso. |ifmnews
Facebook Comments