LGU BOLINAO, MULING NAGBABALA LABAN SA MGA UNREGISTERED TOURISM ENTITIES

Sa kasagsagan ng pagdagsa ng mga turista sa iba’t ibang pasyalan sa bayan ng Bolinao, muling nagbabala ang Tourism and Information Office ng naturang bayan laban sa mga unregistered tourism entities.

Ayon sa tanggapan, may mga indibidwal at establisyimentong nag-aalok ng mga serbisyo at package na walang kaukulang rehistro at akreditasyon, na maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan ng mga turista at magresulta sa panlilinlang o scam.

Ipinaalala ng lokal na pamahalaan na ang mga hindi rehistradong tourism entities ay hindi nasusuri kung sumusunod sa itinakdang safety standards at umiiral na regulasyon, kaya’t walang katiyakan ang kalidad at seguridad ng kanilang mga serbisyo.

Hinikayat ang mga bumibisita sa bayan na tiyaking lehitimo at akreditado ang mga tutuluyang establisyemento at kukuning serbisyo sa pamamagitan ng pagberipika ng rehistro at pahintulot mula sa lokal na pamahalaan o Department of Tourism.

Nanawagan din ang LGU sa publiko na i-report ang mga kahina-hinalang operator upang maprotektahan ang mga turista at mapanatili ang kaayusan at kredibilidad ng industriya ng turismo sa Bolinao.

Facebook Comments