BURGOS, PANGASINAN – Nagtalaga ang lokal na pamahalaan ng Burgos ng lugar o libingan kung saan doon lamang ililibing ang mga nasawing pasyente ng COVID-19.
Ayon kay Municipal Health Officer Dr. Trina Marie Aquino, nasa sampu (10) na ang nasasawi sa kanilang bayan nang magsimula ang pandemya kung kaya’t nagdesisyon din ang LGU na magpagawa ng hiwalay na libingan para sa mga nasasawi sa sakit.
Ayon pa sa kanya, siyam (9) doon ang unvaccinated o hindi pa nababakunahan habang isa naman ang namatay na nakapagpabakuna na ng 1st dose. Kailangan umanong ilibing agad ang mga namamatay, kung saan hindi na kailangang paglamayan para hindi na kumalat naturang virus.
Samantala, umabot na rin sa 80% bed capacity ang mga isolation facility doon kung saan sinabi pa ni Dra. Aquino na nasa magandang kalagayan pa umano ito kahit umabot na sa 63 active cases ang mga tinatamaan sa bayan as of September 7, 2021. Sumampa na sa nabanggit na bilang ang positibo doon dahil sa isinasagawang massive testing sa mga residente gamit ang antigen at RT-PCR Test.
Base sa pinakahuling datos ng RHU Burgos, pumalo na sa 263 ang tinatamaan ng sakit, 188 namang katao ang nakarekober na at sampu (10) ang nasasawi.
Patuloy din umano ang pagdami ng mga nababakuhan kung saan sumampa na sa 2, 253 ang kabuuang bilang ng mga fully vaccinated na.