
Tiniyak ng Pamahalaang Bayan ng Calasiao ang kahandaan nito para sa nalalapit na paggunita ng Undas 2025, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba’t ibang operasyon at paghahanda upang mapanatili ang kalinisan, kaayusan, at seguridad sa mga sementeryo.
Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang flushing operation ng Bureau of Fire Protection, paglilinis ng mga caretaker, at fogging operations ng Municipal Health Office upang maiwasan ang mga sakit at mapanatiling maayos ang kapaligiran.
Naglagay rin ng mga solar lights at karagdagang ilaw sa mga pangunahing daanan ng sementeryo upang masiguro ang malinaw na visibility, lalo na sa gabi. Bahagi rin ng preparasyon ang pagtutulungan ng iba’t ibang departamento at ahensya ng lokal na pamahalaan.
Patuloy namang nananawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na makiisa at maging disiplinado upang maisakatuparan ang isang ligtas, maayos, at mapayapang Undas 2025 sa Calasiao.









