Cauayan City, Isabela- Tanging ang Cauayan City ang nananatili sa High-risk Epidemic Classification batay sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) Region 2.
Sa ulat ng ahensya, ang Tuguegarao City at Cagayan Province na dating kabilang sa high-risk ay naikategorya na lamang sa ‘moderate’ risk epidemic classification.
Kaugnay nito, bumaba na ang Average Daily Attack Rate (ADAR) sa mga nabanggit na lugar sa nakalipas na dalawang linggo.
Habang ang mga probinsya ng Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino ay nasa ‘low-risk’ epidemic risk classification.
Dagdag pa sa datos, dahil sa pumalo sa 200 porsyento na pagtaas ng nagpositibo sa virus kaya’t inilagay sa kategorya ng high-risk ang Cauayan City.
Gayunpaman, pinaalalahanan pa rin ng Kagawaran ang publiko na sundin ang mga umiiral na panuntunan at laging sundin ang minimum health protocols.
Samantala, naitala kahapon ang 322 na karagdagang kaso ng COVID-19. Mayroon namang naitalang 364 na gumaling at pito ang naitalang namatay.
Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa rehiyon, 7.09% (3,515) ang aktibong kaso, 90.19% (44,688) na ang gumaling, at 2.68% (1,331) ang namatay.