LGU CAUAYAN, KINILALA BILANG TOP 4 MOST IMPROVED LGU SA PILIPINAS

Ikinatuwa ni City Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. ang nasungkit na parangal ng Lungsod ng Cauayan bilang Top 4 Most Improved LGU sa buong Pilipinas sa 10th Cities and Municipalities Competitiveness Index o CMCI Summit ng Department of Trade and Industry (DTI).

Dahil aniya ito sa tulungan ng LGU Cauayan at ng iba’t-ibang ahensya ganun din ang mga Micro Small and Medium Enterprises o MSMEs sa pagpapakilala ng mga produktong ipinagmamalaki ng Lungsod.

Bukod dito, dahil din sa mga umuusbong na mga produkto sa Lungsod gaya ng loom weaved products ng mga Indigenous People; kakanin, cornik at banana chips.

Sa pamamagitan aniya ng mga tulong at programa ng DTI Isabela katuwang ang DOST ay marami ang mga natulungang negosyante at lalong napalakas ang mga local products ng Siyudad na maaaring maipagmalaki sa ibang lugar.

Ang CMCI ay taunang ginagawa base sa limang competitiveness pillars ng LGU tulad ng Economic Dynamism, Government Efficiency, Infrastructure, Resiliency, at Innovation.

Samantala, bagamat wala pang produkto na tumatak sa Lungsod ng Cauayan na maaaring dayuhin at maiuwi ng mga turista ay pinag-aaralan na rin ng lokal na pamahalaan ang paggawa ng iba pang produkto na maaaring gawing pasalubong ng mga turista.

Bukod dito, mayroon na rin plano ang lokal na pamahalaan na magkaroon ng Bamboo Tourism sa Hacienda de San Luis para lalong makilala ang Lungsod ng Cauayan.

Balak rin ng LGU Cauayan sa susunod na taon na magsagawa ng Agriculture Expo sa mga Chinese at Taiwanese investors para makapagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan o magnenegosyo sa Lungsod at nang maipakilala rin ang mga produktong gawa ng mga Isabelino.

Facebook Comments