Bukas ang pamahalaang lungsod ng Dagupan sa pagpapatayo ng tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lungsod bilang bahagi ng pagpapalakas ng kampanya laban sa ilegal na droga.
Sa ginanap na pulong sa City Mayor’s Office, tinalakay ng mga kinatawan ng PDEA at ng lokal na pamahalaan ang mga estratehiya upang mapababa ang supply at demand ng ilegal na droga, kabilang ang pagpapatibay ng preventive education initiatives at iba pang programang pangkomunidad.
Binigyang-diin din ang mas mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga barangay, Sangguniang Kabataan, at sa Dagupan City Police Office upang mas mapaigting ang pagpapatupad ng mga hakbang kontra ilegal na droga.
Kabilang rin sa mga napag-usapan ang pagdaragdag ng CCTV cameras sa ilang lugar para sa mas epektibong pagbabantay at monitoring.
Ayon sa lokal na pamahalaan, nakahanda itong maglaan ng lupa para sa itatayong tanggapan ng PDEA bilang konkretong suporta sa pinalakas na kampanya laban sa ilegal na droga sa lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










