LGU DASOL, PINABULAANAN ANG UMANO’Y KINURAKOT NA HOSPITALIZATION ASSISTANCE

Pinabulaanan ng opisina ng alkalde sa Dasol ang kumakalat na alegasyon sa social media ukol sa umano’y ‘kinurakot’ at hindi buo na hospitalization assistance na ibinigay sa isang nangangailangang residente.

Nag-ugat ang isyu sa isang post online ng isang babaeng nanganak at lumapit sa lokal na pamahalaan na umasang makakatanggap ng hindi umano bababa sa P10,000 na tulong pinansyal.

Isinaad dito ang umano’y pagbuno ng alkalde sa kalahating halaga na P5,000 kalakip ng pagprima sa isang listahan dahil matatagalan pa umano ang proseso para makuha ang kabuuang halaga.

Marami-rami rin umano ang pumirma sa listahan na posibleng mga hindi rin nakatanggap ng buong tulong pinansyal na tinatayang aabot sa P165 million.

Sa inilabas na pahayag ng alkalde, iginiit nito na sumusunod ang lokal na pamahalaan sa itinakdang official ceiling na P3,500 na pinakamataas na mahalaga na matatanggap ng cash habang naka-tseke naman kapag mula P4,000 hanggang P20,000 ang matatanggap na tulong.

Ipinaliwanag din na hindi pirming P10,000 ang matatanggap ng kada residente dahil dadaan pa ito sa interview at assessment ng MSWDO upang maibigay ang angkop na halaga ng tulong pinansyal na igagawad sa isang benepisyaryo bago pumirma sa Official Voucher o Stub bilang patunay na natanggap nang buo ang pera.

Malinaw din umanong nakasaad sa nilagdaang kautusan noong 2024 ang naturang usapin.

Dahil dito, nanawagan ang tanggapan na idulog sa tamang opisina ang reklamo upang masolusyunan at iwasang mabiktima ng maling impormasyon na maaring makaapekto sa reputasyon ng isang personalidad o tanggapan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments