
Cauayan City — Isa na ngayong Drug-Free Workplace ang Lokal na Pamahalaan ng Jones matapos ang pormal na pagdedeklara at paglalagay ng marker na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency–Isabela noong Disyembre 22, 2025, sa Jones MDRRMO sa Barangay 1.
Sa seremonya, binigyang-diin ng mga kinatawan ng PDEA, PNP, at mga opisyal ng bayan ang kahalagahan ng isang lugar ng trabaho na ligtas at malayo sa impluwensiya ng ilegal na droga, lalo na sa hanay ng mga lingkod-bayan.
Ipinahayag nila na ang disiplina at integridad ng mga kawani ng pamahalaan ay mahalagang pundasyon ng maayos na serbisyo publiko.
Kasama sa programa ang sabayang pagbigkas at pagpirma ng Pledge of Commitment, na sinundan ng unveiling ng Drug-Free Workplace signage.
Iginawad din ang mga sertipiko ng pagkilala sa LGU Jones at sa 41 barangay na opisyal nang idineklarang drug-cleared, bilang patunay ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga programang kontra ilegal na droga.
Ayon sa mga awtoridad, ang pagkilalang ito ay resulta ng matatag na ugnayan ng LGU Jones, PDEA, PNP, at iba pang katuwang na ahensya, na layong mapanatili ang isang ligtas, malusog, at drug-free na pamayanan para sa kasalukuyan at susunod pang henerasyon.
Source: Jones Valley Cops









