LGU, may pagkukulang sa nangyaring landslide sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro ayon sa isang mambabatas

Susuriin ngayong araw ng Provincial Government ng Maco, Davao De Oro at Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources ang relocation site para sa mga apektado ng landslide sa Barangay Masara.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Davao de Oro 2nd District Rep. Ruwel Peter Gonzaga na kahapon ay nagsagawa na ng aerial inspection sa gagawing temporary relocation site at ngayong araw ay personal na iinspeksyunin ito ng mga Maco Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at MGB upang masiguro ang kaligtasan ng mga apektadong residente.

Pero sinabi ni Gonzaga na temporary relocation site lang ito dahil puno na ng mga residente ang permanent area na itinalaga ng pamahalaan.


Nasa 326 na residente ang nawalan ng tirahan matapos na matabunan ang kanilang mga bahay nang gumuho ang lupa sa bundok noong Martes ng gabi o isang linggo na ang nakararaan.

Kasabay nito, aminado si Gonzaga na may pagkukulang ang Local Government Unit sa nangyari lalo na’t idineklara nang “No Build Zone” ang nasabing lugar noong 2008 matapos maganap ang kaparehong trahedya kung saan 24 ang nasawi, 32 ang nasugatan at dalawa ang hindi na nakita pa.

Sa ngayon ay hinihintay na ng mambabatas ang resulta ng imbestigasyon ng MGB na magiging batayan para sa ikakasang imbestigasyon ng Kamara

Naniniwala kasi si Gonzaga na hindi lang natural calamity ang nangyari kundi man-made rin.

Facebook Comments