Nagdeklara ng indefinite moratorium ang lungsod ng Makati sa pag-isyu ng mga bagong business license at permit sa mga service provider ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs.
Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, pansamantalang itinitigil ang pagtanggap ng mga aplikasyon mula sa POGO service providers upang maiwasan ang paglala ng kriminalidad at prostitusyon sa kanilang lungsod.
Sinabi pa ng alkalde na paiigtingin ng pamahalaang lungsod ang pagsugpo sa anumang iligal na aktibidad na may kaugnayan sa mga POGO sa Makati at kanilang mga empleyado.
Tinukoy rin ng Mayor Abby ang “overheating” sa residential at commercial leasing market bilang pangunahing dahilan ng pagpapatigil sa pagpasok ng naturang mga kumpanya.
Dahil sa pagdagsa ng libo-libong foreign workers ng mga POGO, tumaas ang pangangailangan sa tirahan at opisina sa lungsod kasabay ng mabilis namang pagtaas ng mga presyo sa property sector na isa sa nagiging sanhi kaya bumabagal ang pag-unlad ng sektor at ng ekonomiya.
Binigyang-diin niya na halos lahat ng mga POGO service provider na nasa Makati ay lisensyado ng PAGCOR at lehitimong nakarehistro sa Business Permit and Licensing Office at sa katunayan, mahigit ₱200 milyon kada taon ang nakokolekta nilang buwis mula sa mga ito.
Tiniyak ng alkalde ang malugod na pagtanggap ng lungsod sa mga lehitimong negosyo na sumusunod sa batas at mga ordinansa, kabilang na ang pagbabayad ng wastong buwis.