LGU ng Maynila, bibigyang ayuda ang PGH na itinalaga bilang isa sa referral center sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19

Tiniyak ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila na magbibigay sila ng ayuda sa Philippine General Hospital (PGH) na itinalaga bilang isa sa mga referral center sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Ayon kay Cesar Chavez, Chief of Staff ni Mayor Isko Moreno, noon pa man ay may koordinasyon na ang Manila LGU sa pamunuan ng PGH maging sa Department of Health (DOH).

Sa mga darating na araw ay inaasahan na mapa-plantsa na ang mga bagay na kaugnay sa pagiging Covid-19 Referral Center ng PGH, na isa sa mga ospital na matatagpuan sa Maynila.


Sa ngayon, sinabi ni Chavez na tuloy-tuloy ang pagtulong ng Manila City Government sa mga empleyado ng PGH, sa gitna ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) kung saan marami sa kanila ang nabigyan na ng hotel accommodation.

Hindi naman bababa sa dalawampung hotels at motels ang nakikipag-tulungan na sa Manila LGU upang mabigyan ng pansamantalang matutuluyan ang health workers ng PGH at iba pang mga ospital sa Maynila.

Facebook Comments