Muling umaapela ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa mga residente nito partikular ang mga nakatira sa ilang barangay na nasa ilalim ng localized community quarantine na sumunod sa mga inilatag na patakaran.
Ito’y upang makontrol ang paglaganap ng COVID-19 sa lungsod.
Nabatid na nasa 89 na ang barangay na kasalukuyang naka-granular lockdown kung saan may isang building, 101 na households at isang barangay pa ang patuloy na minomonitor ng lokal na pamahalaan dahil na rin sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, isa sa mga nakikita nilang dahilan kaya tumaas ang kaso ng virus sa lungsod ay pagiging dikit ng mga bahay at pagbubukas ng ilang mga establisyimento, gayundin ang galaw ng mga residente at hindi residente sa lungsod.
Sinabi pa ng alkalde na mas lalo pa nilang pinaigting ang ginagawa nilang contact tracing at ang mga residente matutuklasan na positibo sa virus ay agad na dadalhin sa quarantine facilities.
Bukod dito, mahigpit na rin ang ginagawa nilang implementasyon ng minimum health standards upang huwag ng kumalat pa ang virus.
Muli rin iginiit ni Rubiano na karamihan sa kaso ng COVID-19 sa Pasay ay nagmula sa mga residente na nagtatrabaho sa labas ng lungsod.
Matatandaan na 25 na barangay ang unang inalis sa listahan ng localized community quarantine kung saan umaasa ang lokal na pamahalaan na sa pamamagitan ng granular lockdown ay mapapababa na nila ang bilang ng tinamaan ng COVID-19.