LGU Roxas, Umalma sa ‘Show Cause Order’ ng DILG!

514

Cauayan City, Isabela- Itinanggi ng pamahalaang lokal ng Roxas, Isabela na hindi nila sinunod ang kautusan ng Pangulo kaya’t bumagsak sila sa validation ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa road clearing operation.

Ayon kay Ginoong Vicente Andres, ang Municipal Administrator sa nasabing bayan, nakakuha sila ng 85 porsyento na grado sa isinagawang inspeksyon at validation ng DILG nitong mga nakaraang araw.


Bagamat hindi pa nila natatanggap ang show cause order ng DILG hinggil sa naturang isyu ay handa umanong magpaliwanag ang kanilang tanggapan.

Aniya, agad naman silang sumunod sa utos ng Pangulo na bawiin ang mga daan at ibalik sa tao upang pakinabangan ng lahat kaya’t sila ay nagulat na lamang kung bakit napasama ang kanilang bayan sa bibigyan ng show cause order ng DILG.

Ngayong araw ay nakatakdang magpulong ang mga opisyal sa pangunguna ni Mayor Totep Calderon at DILG upang pag-usapan kung bakit sila bumagsak sa panuntunan ng DILG sa Road Clearing Operation sa kabila ng nakuha nilang mataas na grado sa isinagawang validation.

Facebook Comments

From Advertisers