
Mas pinaigting ng Lokal na Pamahalaan ng San Carlos ang suporta nito sa mga kooperatiba sa lungsod sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa ika-12 General Assembly ng San Carlos City Jeepney Operator & Drivers Transport Cooperative na ginanap noong Pebrero 8 sa San Carlos Urbiz Terminal, Roxas Boulevard.
Sa pamamagitan ng City Cooperative, Entrepreneurship and Livelihood Development Office (CCELDO), nakilahok ang pamahalaang lungsod upang masubaybayan at magkaroon ng kabatiran sa mga plano, programa, at pangkalahatang direksyon ng kooperatiba. Layunin ng partisipasyong ito na matiyak ang maayos na pamamahala, transparency, at patuloy na pag-unlad ng sektor ng pampublikong transportasyon sa lungsod.
Tinalakay sa naturang asembliya ang mahahalagang usapin hinggil sa operasyon, kapakanan ng mga miyembro, at mga hakbang tungo sa mas episyente at sustenableng serbisyo para sa mga mananakay. Naging daan din ito upang higit pang mapatatag ang pagkakaisa at kolektibong pagdedesisyon sa loob ng organisasyon.
Ipinapakita ng matagumpay na aktibidad ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng pamahalaang lokal sa mga kooperatiba bilang katuwang sa paghahatid ng maayos, ligtas, at maaasahang serbisyo sa publiko. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










