Iginiit ni Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa mga Local Government Units (LGU) na magsagawa ng blended learning dry run bago ang pagbubukas ng klase sa August 24, 2020.
Ayon kay Gatchalian, ang dry run na gagawin ng mga LGU ay local version o hiwalay sa distance learning dry run na ikakasa ng Department of Education (DepEd) sa unang linggo ng Agosto.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na layunin ng dry run sa kada LGU na matiyak ang maayos na pagpapatupad ng Learning Continuity Plan o LCP sa lahat ng sulok sa buong bansa.
Aniya, mahalagang matukoy ng mga lokal na pamahalanan kung paano iaangkop sa pangangailangan ng kanilang mga mag-aaral ang Learning Continuity Plan lalo’t hindi lahat ng lugar sa bansa ay may maayos na signal ng internet para sa online learning.
Ipinunto pa ng senador na dapat masigurong matututo ang mga mag-aaral at mananatiling ligtas sa gitna ng kasalukuyang pandemya upang hindi masayang ang pondo at panahon na gugugulin para mabigyan sila ng magandang kinabukasan.