Nanawagan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga Local Government Units o LGUs na tulungan silang masawata ang mga nananamantala sa presyo ng manok.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, layon nitong maipatupad ang tamang Suggested Retail Price (SRP) sa manok.
Batay kasi sa United Broiler Raisers Association o UBRA, nasa 60 hanggang 73 pesos lang ang farm gate ng manok ngayon.
Kung isasama ang P50 na kita ng mga traders at retailer dapat ay nasa 110 hanggang 123 pesos lang ang presyo ng kada kilo ng manok sa mga pamilihan.
Giit ni Lopez, napagkasunduan na nila ng Department of Agriculture (DA) ang paglalagay ng safe guards bilang tulong sa mga poultry raisers na ilang buwan ng nalulugi dahil sa pagbagsak ng farm gate sa manok.
Sabi naman ni Gregorio San Diego, chairman ng UBRA, pabor sila sa hakbang na ito pero dapat ring bantayan ang pagpasok ng smuggling ng manok sa bansa.