Hinamon ni Senador Sherwin Gatchalian ang local government units (LGUs) na tumulong sa pagpapaangat ng kalidad ng edukasyon.
Layon aniya nito na maipatupad ang panukalang decentralization sa education governance.
Sa 21st Century School Boards Act o Senate Bill No. 155 ni Gatchalian, binibigyan ng mandato ang local school boards sa pagdisenyo at pagpapatupad ng mga polisiya sa paghahatid ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Susukatin ang tagumpay ng mga programang ito sa participation rate ng mga mag-aaral, sa bilang ng mga drop out at out-of-school youth, at marka sa mga national test at iba pang assessment tools.
Layon din ng panukala na palawakin ang local school board upang makalahok ang iba pang education stakeholders.
Iminumungkahi rin ni Gatchalian ang paggamit sa Social Education Fund para sa capital outlay ng mga pre-schools, at sa operasyon at maintenance ng mga programa sa Alternative Learning System (ALS).