LGUs, ililibre na rin sa pagbabayad ng VAT at import duties sa mga i-aangkat na COVID-19 vaccines at iba pang medical supplies

Pinagtibay na sa House Committee on Ways and Means na isama na rin ang Local Government Units (LGUs) sa panukala na maglilibre sa importasyon ng mga bakuna at medical supplies sa buwis tuwing nahaharap ang bansa sa public health emergency.

“Subject to style” ay inaprubahan na maisama ang House Bill 8652 ni Manila Representative Manuel Lopez sa inaprubahang panukala noong nakaraang linggo ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon kung saan ililibre sa pagbabayad ng VAT at import duties ang pagbili ng COVID-19 vaccines, critical medical products, essential goods, equipment at supplies tuwing nakakaranas ng krisis sa kalusugan ang buong bansa.

Sa pagtalakay ng komite ni Albay Representative Joey Salceda, napagkasunduan na bukod sa mga private hospitals at government health facilities ay kasama na rin sa malilibre sa pagbabayad ng VAT, import duties at iba pang bayarin ang mga LGUs na bibili ng bakuna at iba pang critical medical supplies and equipment.


Ang pagdadagdag sa LGUs ay salig na rin sa panukalang inihain ni Speaker Lord Allan Velasco at Minority Leader Joseph Stephen Paduano na layong pabilisin ang procurement at administration ng COVID-19 vaccines.

Hindi naman isinama dito ang exemption sa pagbabayad ng corporate income tax dahil nababahala ang panel na posibleng mauwi ito sa pangaabuso sa profit ng ilang mga private hospitals at doctors sa bansa na magbebenta ng COVID-19 vaccines at medical supplies.

Facebook Comments