Binalaan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa pekeng BNT162b2
COVID-19 vaccine na sinasabing ang manufacturer ay Pfizer BioNTech.
Ayon sa FDA, naglabas na rin ng medical product alert ang World Health Organization (WHO) laban sa nasabing bakuna na una nang natukoy sa Mexico noong Pebrero.
Matapos maberipika ng WHO sa manufacturer, napatunayan na peke ang nasabing bakuna.
Batay sa abiso ng FDA, sa vial ng pekeng bakuna na ito ay makikitang nakasulat ang
BNT162b2 habang sa baba ay ang logo ng Pfizer BioNTech.
Sa kabilang gilid naman ay makikita ang Lot Number na 783201 at expiration date na August 24.
Ayon sa Pfizer BioNTech, hindi nila gawa ang nasabing bakuna.
Bagama’t wala pa namang nakikitang mga pekeng bakuna sa bansa, mahigpit pa rin ang paalala ng FDA sa publiko na maging mapagmatyag.