Iginiit ni Senator Francis Tolentino sa Department of Budget and Management o DBM na palakasin ang mga Local Government Units (LGUs) alinsunod sa ‘Mandanas ruling’ ng Supreme Court.
Mungkahi ito ni Tolentino para maiwasan ang epekto ng nagbabadyang global recession hatid ng COVID-19 pandemic at patuloy na Russia-Ukraine conflict na nagbubunga din ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Suhestyon ni Tolentino, i-alok sa mga LGUs ang funded allocation na tutugon sa pangangailangan ng kanilang nasasakupan sa gitna ng paghina ng kakayahang bumili ng ordinaryong mamamayan sa nakalipas na dalawang taon.
Binanggit ni Tolentino na nagbigay ng guidelines o alituntunin ang outgoing DBM officials kung paano malayang gagastusin ng mga LGUs ang karagdagang alokasyon sa ilalim ng Mandanas ruling.
Sabi ni Tolentino, malaking halaga ang maibibigay na dagdag na pondo sa mga LGUs na dapat nilang gamitin sa tunay na pangangailangan ng kanilang nasasakupan para maiwasan ang epekto ng napipintong recession.
Ayon kay Tolentino, Maaring gamitin ang karagdagang alokasyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng karagdagang warehouses, milling stations at cold storage facilities para sa lokal na magsasaka at mangingisda.