LGUs, kailangang tumulong sa SIM registration

Iginiit ni CamSur Rep. LRay Villafuerte na dapat tumulong din ang mga Local Government Unit o LGUs sa pagpaparehistro ng subscriber identity module o SIM.

Ayon kay Villafuerte, mapapabilis ang proseso para sa SIM registration kung maglalagay ang mga LGU ng off-site centers lalo na sa mga lugar na mahina o walang internet access.

Sabi ni Villafuerte, anumang hakbang ng LGUs para sa SIM registration ay malaking tulong para sa mga public telecommunications entities, Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC).


Kasabay nito ay hinikayat ni Villafuerte ang lahat ng kinauukulang ahensya ng gobyerno, kasama ang LGUs na magtulungan para maipaunawa sa mamamayan ang kahalagahan ng pagpapatupad ng SIM Registration Act.

Katwiran ni Villafuerte, mas marami ang agad na magpaparehistro ng SIM kung kanilang mauunawaan ang layunin nito na tuldukan ang mga panloloko gamit ang SIM cards tulad ng text spam, online scams, bank fraud, identity theft at iba pang uri ng cybercrimes.

Facebook Comments