LGUs, mahigit ang monitoring sa mga nakakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19

Patuloy ang mahigipit na monitoring ng Local Government Unit (LGU) sa mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 sa kanilang lugar.

Sa Quezon City, tatlong indibidwal na ang naitala na may kaso ng Corona Virus Disease o COVID-19.

Sa interview ng RMN Manila kay QC Mayor Joy Belmonte, kinumpirma nito na bukod sa naunang 57 taong gulang na lalaki na nakatira sa Baler St. sa District 1, may dalawa pang kaso ang naitala sa lungsod.


Ang pangalawa ay isang lalaki na nasa 30s ang edad at nakatira sa Victoria Tower Condominium sa Timog, QC.

Inihayag ng Belmonte na nasa isolation room na ito ngayon sa isang hospital sa labas ng QC habang isinailalim na rin sa disinfection process ang gusali na tinitirhan nito.

Patuloy naman aniyang tinutunton ang partikular na address ng ikatlong residente na may history ng pagbiyahe sa Switzerland.

Samantala, sa interview ng RMN Manila, tiniyak ni Cainta, Rizal Mayor Johnielle Keith “Kit” Pasion Nieto na mahigpit ang monitoring nila sa kondisyon ng apat na mga anak ng mag-asawang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Nieto, nasa pang anim na araw nang naka-home quarantine ang mga ito ngayon kung saan wala naman silang ipinapakitang sintomas ng COVID-19.

Sa ngayon, sinasamantala ng lokal na pamahalaan ang kanselasyon ng klase upang i-disinfect ang lahat ng paaralan sa Cainta.

Facebook Comments