LGUs, may kapangyarihang higpitan ang paglabas ng mga bata ayon sa DOH

Maaaring magpatupad ang mga lLocal Government Unit (LGU) ng mga karagdagang restriksyon sa paglabas ng mga bata.

Pahayag ito ng Department of Health (DOH) kasunod ng viral social media post ng isang doktor tungkol sa dalawang taong gulang na batang nagpositibo sa COVID-19, tatlong araw matapos mamasyal sa mall.

Sabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may kapangyarihan naman ang mga LGU na pag-aralan ang sitwasyon at higpitan ang paglabas ng mga bata kung kinakailangan.


Aniya, pinayagan nilang lumabas ang mga bata para makapag-ehersisyo at magkaroon ng interaksyon sa ibang mga bata na mabuti para sa kanilang kalusugan.

Pero giit ni Vergeire, hindi rin naman tiyak kung talagang sa mall nakuha ng bata ang virus.

Gayunman ay nanawagan siya sa mga magulang na huwag nang dalhin sa matataong lugar ang kanilang mga anak na dalawang taong gulang pababa lalo’t hindi sila required magsuot ng face mask.

Samantala, sa interview ng RMN Manila, umapela rin si Dr. Kim Patrick Tejano, manager ng National Immunization Program ng DOH na sa halip na isama sa mall ang mga bata ay dalhin na lamang sila sa mga health center para mabakunahan.

Facebook Comments