Posibleng masampahan ng dereliction of duty ang mga lokal na pamahalaan na hindi kayang pigilin ang pagdagsa ng mga tao sa vaccination sites.
Babala ito Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, kasunod ng trending na mga video at picture sa internet kung saan dinumog ang ilang vaccination sites sa Metro Manila sa kagustuhan ng ating mga kababayan na magpabakuna.
Ayon kay Roque, hindi dapat maging super spreader event ang bakunahan dahil nawawala ang main objective ng pamahalaan na maging home liner ang lahat upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 Delta variant.
Kasunod nito sinabi ni National Task Force (NTF) Deputy Chief implementer at Testing czar Sec. Vince Dizon na pinulong nila kaninang umaga ang Metro Manila mayors para paalalahanan ang mga ito na maglagay ng karampatang safeguards para sa pagpapatuloy ng bakunahan sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Nabatid mula sa report ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), karamihan sa mga dumagsa sa ilang vaccination sites kaninang umaga ay galing sa mga karatig probinsya ng National Capital Region (NCR) at nagbabakasaling mabakunahan sila.
May kumalat kasing fake news na hindi palalabasin at hindi makakatanggap ng ayuda hangga’t hindi bakunado ang isang indibidwal.