Nagbabala ang Department of Justice (DOJ) sa mga Local Government Unit (LGU) na tumatangging papasukin sa kanilang komunidad ang repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakatapos na sa kanilang mandatory quarantine period.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maaaring maharap ang mga ito sa kasong administratibo at kriminal dahil sa paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act.
Kinumpirma rin ni Guevarra na inatasan na niya ang National Prosecution Service (NPS) na bigyang prayoridad ang imbestigasyon sa mga kasong may kaugnayan sa Bayanihan Act at iba pang kautusan na may kaugnayan dito.
Iginiit ng kalihim na dapat malinaw sa lahat ng LGUs ang direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagtanggap sa mahigit 24,000 OFWs na negatibo na sa COVID-19 at nakatakdang umuwi sa kani-kanilang mga pamilya.