Hinimok Department of Health (DOH) ang Local Government Units (LGUs) na magpatulong muna sa health workers ng mga kalapit nilang lungsod o munisipalidad sa pagbabakuna kontra tigdas at polio.
Ayon kay Dr. Beverly Ho ng DOH-Health Promotion Bureau, kailangang tapusin ng LGUs ang Phase 2 ng nasabing vaccination program kahit lagpas na sa Pebrero.
Aniya, kailangang magbahay-bahay ang mga lokal na pamahalaan.
Sa mga lugar naman aniyang naka-lockdown, kailangang hintayin na lamang na ma-lift ang lockdown saka ituloy ang vaccination program.
Ilan kasi sa LGUs ang nagpaliwanag na hindi nila matutukan ang pagbabakuna kontra polio at tigdas dahil sa pandemya.
Tiniyak naman ni Dr. Ho na mahigpit na ipinatutupad sa barangay health centers ang health protocols para matiyak ang kaligtasan ng mga bata at ng mga magulang na magpapabakuna.