
Nagkaisa ang mga lokal na opisyal sa pangakong makikipagtulungan sa pambansang pamahalaan para mas mabilis maihatid ang serbisyo sa mga komunidad, kasabay ng paglulunsad ng programang “Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang”
Sa ginanap na seremonya sa Malacañang, nagsumite ng manifesto of support ang iba’t ibang grupo ng mga lokal na opisyal, kabilang ang Union of Local Authorities of the Philippines, League of Provinces of the Philippines, League of the Cities of the Philippines, at League of Municipalities of the Philippines.
Ayon sa mga opisyal, layunin nilang palakasin ang koordinasyon sa national government upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga programang nakalaan para sa pagkain, kalusugan, edukasyon, at kabuhayan.
Pinangunahan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-turnover ng mga approval letter para sa financial assistance ng mga lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng 2026 national budget, aabot sa P57.872-bilyon ang inilaan para sa Local Government Support Fund.
Kabilang dito ang P37-bilyon na direktang tulong pinansyal sa mga LGU, P11-bilyon para sa Growth Equity Fund, P8-bilyon para sa Barangay Development Program, at P1-bilyon para sa participatory budgeting.
Ayon sa Pangulo, sa pamamagitan ng mas matibay na ugnayan ng national at local government, mas masisiguro ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mga Pilipino.










