Liaison officer ng PNP, panibagong nasawi dahil sa COVID-19

Isang liaison officer mula sa MIMAROPA Region ang naitalang panibagong namatay dahil sa COVID-19 sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, ang nasawi ay 53 anyos na police officer na ika-104 na police frontliner na nasawi dahil sa medical complications matapos magpositibo sa COVID-19.

Batay sa report, August 20 nang makaranas ang police officer ng ilang sintomas kaya agad na sumailalim sa RT-PCR test at kalauna’y positibo sa COVID-19.


August 21 nang makaramdam ng hirap sa paghinga at agad isinugod sa ospital pero idineklarang dead on arrival dahil sa severe pneumonia.

Batay sa medical records nito, halos tatlong taon na ito sumasailalim sa dialysis dahil sa chronic kidney disease at na-diagnose na diabetic with hypertension.

Nabatid na ang nasabing pulis ay nakatanggap na ng kanyang unang dose ng bakuna kontra COVID-19.

Samantala, kahapon ay umabot na sa 97,184 or 43.61% ang fully vaccinated na police personnel habang 105,016 o 47.12% ang nakatanggap na ng unang dose ng bakuna.

Facebook Comments