Ibinasura ng Office of the City Prosecutor ng Antipolo ang reklamong libelo na isinampa ng kilalalang food chain laban sa mga opisyal ng Philippine Veterans Bank (PVB).
Nabatid na idinemanda ng PVB ang food chain na kilala sa tawag na Cravings, matapos mabigo ang kumpanya na makapagbayad ng P43 million loan sa nabanggit na bangko.
Batay sa mga dokumento mula sa
Antipolo Prosecutor’s Office, lumilitaw na inihain ng Cravings Food Services Inc (CFSI) ang reklamong libelo noong February 26, 2019 sa alegasyon na sinira umano ng PVB ang reputasyon ng kanilang kompanya nang magsampa ito ng civil case laban sa kanila.
Tila pinalalabas daw kasi ng PVB na sangkot ang CFSI sa maanomalyang gawi at dishonorable conduct nang ituloy ng bangko ang asunto laban sa kanila.
Ang naturang civil proceedings ay nagresulta umano sa negatibong konotasyon sa pangalan ng CFSI at reputasyon ng kompanya.
Sa resolusyon na petsado March 7, 2019, ay inaprubahan ni Antipolo City Prosecutor Mari Elvira Herrera ang pagbasura sa libel complaint. Naghain ang CFSI ng motion for reconsideration pero nanindigan ang piskalya sa kanilang desisyon at ipinawalang-saysay ang apela sa resolusyon noong October 23, 2019.
Una nang nag-avail ang CFSI ng total Revolving Promissory Note Line (RPNL) sa PVB sa halagang P50 million, subalit hindi nakapagbayad ang kompanya ng kanilang obligasyon na bayaran ang bangko ng naturang halaga pati na ng kaukulang interest at mga penalty
February 6, 2018, nang isampa ng PVB ang kaso laban sa CFSI para kolektahin ang naturang halaga at danyos. Pinagbigyan din ng korte ang writ of preliminary attachment ng PVB para samsamin ang properties na nakarehistro sa pangalan ng CFSI, CNA Culinary Services, Inc., mag-asawang Frederick Jonathan A. Trinidad at Marinela G. Trinidad, at isang Susan Guererro.
Noon lamang December 31, 2018, ay umabot na sa halagang P42,047,579.51 ang outstanding obligation ng CFSI sa PVB.