Tahasang itinuro ng Palasyo ng Malacanang ang Liberal party at magdalo group na kinabibilangan ng mga taga oposisyon na siyang nasa likod ng Bikoy Videos at black propaganda laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa kanyang pamilya.
Naglabas kasi ng isa pang diagram o matrix ang Malacanang kung saan makikita ang detalye kung paano ipinapakalat ang mga black propaganda at ang mga tao at grupong nasa likod nito.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, bukod sa LP at Magdalo ay kabilang din sa mga nasa likod ng mga kumakalat na black propaganda ay ang mga personalidad tulad nila Senador Antonio Trillanes IV, dating Presidential Spokesman Secretary Edwin Lacierda, Cocoy Dayao, Joma Sison, Arman Potejos, Rodel Jayme at Bong Banal.
Sinabi din ni Panelo na si Banal ang nagsilbing narrator sa viral video ni Bikoy base narin sa ginawang voice recognition.
Ginawa aniya ang mga black propaganda para maisulong pa ang kandidatura ng mga otso diretso at para siraan si Pangulong Duterte.