LIBINGAN NG MGA NAMATAY SA COVID-19, BUKAS NA SA MGA DADALAW

Matapos ang dalawang taon na pagbabawal sa pagdalaw sa mga sementeryo tuwing Undas ay ngayon lamang muli itong binuksan sa publiko para mabisita ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Kabilang na rito ang ginawang libingan ng mga namatay sa sakit na COVID-19 sa New Public Cemetery sa barangay San Francisco dito sa Lungsod ng Cauayan.

Sa ating panayam kay Ginoong Asley Palos, nagbabantay sa sementeryo at crematorium sa naturang lugar, nasa 137 ang kabuuang bilang ng mga nailibing na namatay umano sa Coronavirus habang nasa mahigit 2,000 naman ang nakalibing doon sa magkakapatong na nitso.

Ayon kay Palos, noong March 28, 2020 ang unang pagkakahukay sa bangkay ng namatay sa COVID habang noong March 25, 2022 naman ang pinakahuling may nailibing rito.

Pinakamarami sa mga nakalibing na namatay sa COVID ay mula sa barangay San Fermin at District 1.

Payo nito sa mga dadalaw sa mga namatayan dahil sa covid na makipag-ugnayan lamang sa kanya para malaman kung saan nakalibing o pang-ilan sa bilang ang namayapang mahal sa buhay.

Ilan kasi aniya sa mga nilibing na namatay sa covid ay walang pagkakakilanlan dahil noong sila ay inihukay sa lupa ay hindi nakita at hindi kasama ang pamilya.

Ayon pa kay Ginoong Palos, kung mayroon na aniya ang pondo na pinangako ng LGU ay aayusin at pagagandahin ang nasabing sementeryo ng mga nasawi sa COVID-19 para hindi na rin mabaha sakaling makaranas ng malakas na pag-ulan.

Kaugnay nito ay pinapayagan na ang overnight sa sementeryo basta sumunod lamang sa mga ipinagbabawal na hindi dapat gawin gaya ng pag-inom ng alak, pagsusugal, pag-iingay at pagdadala ng mga matatalim o nakamamatay na bagay.

Inaasahan naman ang maraming bilang ng mga dadalaw sa puntod ngayong araw lalo na’t niluwagan na ang restrictions sa publiko.

Ang New Public Cemetery ay pitong taon nang pinaglilibingan kung saan 50% rito ay mga nilipat mula sa public cemetery ng Cauayan City.

Facebook Comments