Libo-libong bakanteng posisyon sa OPS at attached agencies, nasita sa pagdinig ng Senado

Napuna sa pagdinig ng 2023 budget ng Office of the Press Secretary (OPS) ang malaking bilang ng mga ‘unfilled personnel’ o bakanteng posisyon sa mga attached agencies nito.

Sa deliberasyon para sa ₱1.16 billion na budget ng OPS at mga attached agencies nito sa susunod na taon, tinukoy ni Senator JV Ejercito na 1,220 ang kabuuang non-permanent positions ng ahensya.

Nakita sa pagdinig na pinakamalaking bilang ng bakanteng posisyon ay nasa PTV-4.


Paliwanag dito ni OPS-Broadcast Media Services Usec. Rowena Reformina, naging malaking problema ang “2015 table of organization” sa dami ng unfilled positions sa government station dahil hindi ito akma sa uri ng kumpanya na mayroon ang PTV4.

Ngayon aniya ay inayos nila ang bagong “table of organization” kung saan “tailored-fit” na ito sa pangangailangan ng mga empleyado partikular sa promotion at sweldo.

Samantala, umapela naman si OPS OIC Usec. Cheloy Garafil na sa nakalipas na 3 budgets ay walang capital outlay ang ahensya kaya wala ring nangyaring improvement sa mga pasilidad ng OPS lalo na sa government TV station.

Hiniling ng OPS na maibalik ang tinapyas na ₱2.036 billion na pondo upang matugunan ang pangangailangan ng ahensya at mga attached agencies nito.

Sa 2023, ₱1.16 billion ang pondo ng OPS sa susunod na taon.

Facebook Comments