Nadiskubre ng militar at pulis sa tulong ng mga residente ang malaking imbakan ng armas ng New People’s Army (NPA) sa Barangay San Bartolome, Sta. Magdalena, Sorsogon kahapon.
Ayon kay Lt. Col. Nelson Mico, Commander ng 22th Infantry Battalion ng Philippine Army, nakuha sa lugar ang mahigit 5,200 piraso ng 5.56mm na bala, 212 bagong magazine ng M16 rifle; isang M16 rifle; dalawang Anti-personnel mines; at 34 na blasting cap.
Ang operasyon aniya ay ginawa ng tropa ng 22nd Infantry Battalion (22IB), 31st Infantry Battalion (31IB), 903rd Infantry Brigade, 93rd Division Reconnaissance Company (93DRC), kasama ang mga tauhan ng Police Regional Office (PRO) 5, at Sorsogon Provincial Police Office (PPO).
Natunton ng mga otoridad ang imbakan ng armas matapos na isumbong ng mga residente ang ginagawang indiscriminate firing ng mga terorista sa lugar.
Ayon naman kay PRO 5 Regional Director PBgen. Jonnel Estomo, ang mahusay na interoperability ng pulis at militar na may suporta ng lokal na residente ang dahilan ng sunod-sunod na tagumpay ng gobyerno laban sa mga teroristang komunista sa rehiyon.
Pinuri naman ni Joint Task Force Bicolandia Commander MGen. Henry Robinson ang mga tropa, hindi lang sa matagumpay na operasyon, kundi maging sa pagkakakuha nila ng tiwala ng mga Bikolano, na kasama na nila sa laban kontra sa NPA.