Manila, Philippines – Sa mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa, may libu-libong bakanteng trabaho sa Amerika na maaaring aplayan ng mga Filipino.
Kabilang na dito ang mahigit 3,600 physiotherapist at physical therapist na aabot sa P270,000 ang suweldo kada buwan.
Ayon kay Philippine Overseas Employment Administration Deputy Administrator Jocelyn Sanchez, kabilang sa mga requirement ay pagkakaroon ng hindi bababa sa tatlong taong work experience sa trabahong aaplayan at kailangan ding maipasa ang language proficiency exam na Test of English as a Foreign Language.
Bukod sa US, mayruon ding job orders mula sa Japan para naman sa mga trabahong welders at frame cutters.
Mahigit 5,000 bakanteng posisyon na pwedeng aplayan ng mga Pinoy workers na ang sahod ay maaaring umabot ng P52,000 hanggang P62,000 kada buwan.
Ayon pa sa POEA, asahan pa na mas dadami ang magbubukas na trabaho para sa mga Pinoy na maaaring aplayan sa Japan sa Nobyembre kapag napirmahan na ang Memorandum of Understanding ng Pilipinas at Japan.