Sunday, January 18, 2026

Libo-libong pasahero, stranded pa rin sa mga pantalan dahil sa Bagyong Uwan —PCG

Libo-libong mga pasahero pa rin ang nananatiling stranded sa mga pantalan dahil sa Bagyong Uwan.

Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Coast Guard (PCG), umabot na sa 4,806 pasahero, truck drivers, at mga pahinante ang stranded pa rin sa iba’t ibang rehiyon.

Kasama rin dito ang 2,222 rolling cargoes, 44 barko, at 20 motorbancas na hindi pinayagang pumalaot dahil sa sama ng panahon.

Pinakamaraming apektado sa Bicol Region, kung saan mahigit 2,500 katao at 1,100 sasakyan ang stranded sa mga pantalan ng Matnog, Masbate, at Virac.

Sinundan ito ng Southern Tagalog Region na may 744 pasahero at 276 rolling cargoes, habang sa Eastern Visayas naman ay nasa 935 katao ang hindi nakabiyahe.

Samantala, mahigit 392 vessels at 123 motorbancas naman ang kasalukuyang nakasilong sa ligtas na lugar habang patuloy ang masamang panahon.

Ayon sa PCG, mananatiling suspendido ang biyahe ng mga sasakyang pandagat hangga’t hindi ligtas ang paglalayag.

Facebook Comments