*Tuguegarao City*-Pinarangalan ng Police Regional Office 2 ang nasa limang libong pulis na kabilang sa augmentation ng PNP upang magbantay sa iba’t-ibang lugar sa katatapos lamang na 2019 Midterm Elections.
Sa pagtutok ng 98.5 RMN Cauayan sa ginawang seremonya ng PRO 2 kahapon sa pangunguna ni Regional Director P/BGen Jose Mario Espino, pinasalamatan nito ang lahat ng mga pulis maging ang mga sundalo na nagsilbing tagabantay noong eleksyon para sa seguridad ng bawat mamamayan.
Nagpasalamat din ito sa mga nagboluntrayong guro at iba pang mga indibidwal na tumulong sa eleksyon.
Ayon kay P/BGen Jose Mario Espino, mataas anya ang ibinaba ng election related incidents sa Lambak ng Cagayan dahil sa pinaigting na seguridad kumpara noong nakaraang eleksyon.
Sa pahayag naman ni COMELEC Regional Director Atty. Julius Torres, sapat umano ang naging bilang ng mga Electoral Boards habang nanawagan naman ito sa mga nahalal at natalong kandidato na kusang baklasin ang mga idinikit na campaign materials.
Samantala, sa June 13, 2019 ay kinakailangan namang makapagpasa ng Statement of Contributions and Expenditures o SoCE ang lahat ng mga kumandidato ngayong midterm election.
Sa kabuuan ay naging mapayapa naman ang katatapos lamang na halalan dahil walang naitalang casualty sa mismong araw ng botohan.