7,000 mga pulis ang idineploy ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang rehiyon sa bansa na hinahagupit ngayon ng Bagyong Egay.
Ayon kay PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., partikular na nakakalat ang mga ito sa Regions 1, 2, 3, 4A, 4B maging sa National Capital Region (NCR).
Aniya, kaniya-kaniyang toka ang mga pulis kung saan may nagsasagawa ng Search and Rescue Operations, may namimigay ng relief goods at nagsasagawa ng clearing operations.
Maliban dito, mayroon din silang land, air at water assets na nakahandang i-deploy anumang oras para sa humanitarian assistance and disaster response operations.
Aniya, katuwang nila ang Armed Forces of the Philippines (AFP), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang sangay ng pamahalaan sa pagsasagawa ng rescue at relief mission.