Libo-libong sako ng pinuslit na pulang sibuyas at 300 drum ng petrolyo, nasabat ng militar

Nakumpiska ng pinagsanib pwersang Naval Forces Western Mindanao, Philippine Coast Guard (PCG) at Zamboanga Bureau of Customs (BOC) ang 11,000 sako ng ipinuslit na pulang sibuyas sa Varadero de Cawit, Zamboanga City kahapon.

Nakuha mula sa isang closed van ang 3,000 sako ng sibuyas habang 8,000 sako naman ang narekober sa sasakyang pandagat na MJ Marissa.

Nabatid na naglalaman ang bawat sako ng 4 na kilo ng sibuyas na may kabuuang timbang na 44 na tonelada.


Samantala, nasabat din ng mga awtoridad ang 300 drum ng pinuslit na produktong petrolyo sa sasakyang pandagat na ML Zhary sa isinagawang visit, board, search and seizure operation sa bisinidad ng Barangay Cawit.

Ayon sa Naval Forces Western Mindanao, ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng commitment ng militar na makipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan maging sa mga Local Government Unit (LGU) para masawata ang smuggling at iba pang iligal na operasyon sa naturang rehiyon.

Facebook Comments