Manila, Philippines – Nakapaloob sa Memorandum of Understanding na nilagdaan ng Department of Health (DOH) at mga ospital ngayong hapon na dapat ay sagot ng Philippine Health ang lahat ng gastusin sa pag-papaospital o konsultasyon ng mga batang una nang nabakunahan ng Dengvaxia vaccine na kinakitaan ng sintomas ng kumplikasyon.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang MOA na ito ay magpapatibay sa layunin ng Health Department na tiyakin sa publiko na prayoridad nila ang mga batang naturukan ng Dengvaxia vaccine.
Nakapaloob rin sa MOA ang pagkakaroon ng Dengvaxia Express Lane sa mga ospital kung saan ipa-prioritize ang mga Dengvaxia vaccinated patients.
Kabilang rin sa MOA ang one-on-one basis, upang matiyak na natututukang maigi ang mga pasyente.
Kaugnay nito, hinihikayat naman ng DOH ang mga magulang o guardian ng mga bata na sakaling mayroong mga ospital na hindi tatalima sa kanilang mandato ay agad na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan.