Epektibo sa susunod na taon, plano ng gobyerno na bigyan ng libreng sako ng binhi ng palay ang mga magsasakang magbebenta ng kanilang ani sa National Food Authority (NFA).
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, sa kada apat na metrikong toneladang palay na ibebenta sa NFA ng isang magsasaka o kooperatiba, bibigyan sila ng isang sako ng inbred rice seeds ng Philippine rice na may halagang 1560 pesos.
Sa kada walong metriko toneladang palay naman, magbibigay ang DA ng isang sako ng commercial hybrid seeds na may halagang 5,000 pesos.
Tiniyak naman ni Piñol, na ang ibibigay nilang binhi ay akma sa uri ng lupa at kondisyon ng panahon sa lugar ng mga magsasaka.
Bukod sa libreng binhi, magbibigay din ang DA ng libreng makina at 3 pisong dagdag sa kada kilo ng palay para sa mga magsasakang magbebenta ng ani sa NFA.