LIBRENG ALMUSAL, PINAMAHAGI MATAPOS ANG MISA DE GALLO SA DAGUPAN

Namahagi ng libreng almusal ang Pamahalaang Lungsod ng Dagupan sa mga nagsimba matapos ang Misa de Gallo sa St. John the Evangelist Cathedral nitong Disyembre 16.

Ang almusal ay binubuo ng mainit na arrozcaldo at mami, na may kasamang puto at kaunting chips, na inihanda sa tulong ng City Nutrition Office. Layunin nito na magbigay ng simpleng pagkain at pasasalamat sa mga Dagupeñong maagang nagising upang dumalo sa banal na misa.

Ang Misa de Gallo ay ginanap bandang 5:30 ng umaga at pinangunahan ni Fr. Soc Villegas. Dumalo rin ang mga kinatawan ng Dagupan City LGU sa ikalawang misa bilang pakikiisa sa pagsisimula ng Simbang Gabi.

Bilang paalala, ang iskedyul ng Simbang Gabi ay 5:30 PM – Santo Rosaryo, 6:00 PM – Unang Misa, at 7:30 PM – Ikalawang Misa. Samantala, ang Misa de Gallo ay 3:30 AM – Santo Rosaryo, 4:00 AM – Unang Misa, at 5:30 AM – Ikalawang Misa.

Patuloy ang paanyaya ng simbahan at lokal na pamahalaan sa mga mamamayan na makiisa sa mga gawain bilang paghahanda sa tunay na diwa ng Pasko. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments