Mahigit 4 million kabataan na nasa 9-59 months old ang target ng Department of Health (DOH) na mabakunahan kontra measles kasunod ng inaasahang pagkaroon ng outbreak sa susunod na taon.
Ayon kay DOH – National Immunization Program Manager Dr. Wilda Silva, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapatuloy ng immunization activities sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Aniya, walang door-to-door na pagbabakuna at gagawin lang sa mga barangay health centers, ospital at lying-in clinics na bukas mula alas-8:00 hanggang alas-5:00 ng hapon.
Bahagi rin ng immunization strategy ang pagtatayo ng modified site sa mga itinuturing na strategic locations gaya ng basketball court, barangay hall o gymnasium.
Paliwanag ni Silva, sisimulan sa October 26 hanggang November 25 ang phase 1 ng immunization ng measles-rubella vaccine sa bansa, maliban sa Central Luzon, National Capital Region (NCR), Calabarzon, Western, Central at Eastern Visayas.
Kasabay rin ng immunization sa measles ang roll out ng oral polio vaccine sa mga parehong rehiyon, sa mga kabataang nasa edad 0-59 months old.
Target namang simulan ang phase 2 ng pagbabakuna sa February 1 hanggang 28, 2021 sa mga rehiyon na hindi kasali sa phase 1 ng immunization roll out.
Sa tala ng DOH, mayroong 3,557 kaso ng measles sa buong bansa ngayong taon at 2.4 milllion kabataan ang susceptible o malaki ang tyansa na tamaan ng sakit.
Nasa 27 naman ang may polio infection o mga kabataang nagpositibo sa sakit.
Magugunitang 2019 nang muling makapagtala ng polio outbreak ang pilipinas matapos ang halos dalawang dekada.