Libreng COVID-19 test sa mga nag-aapply ng trabaho, isinulong sa Senado

Isinulong ni Senator Sonny Angara na gawing libre ang COVID-19 test para sa mga first time na mag-aaplay sa trabaho, mga walang trabaho na naghahanap ng mapapasukan at mga manggagawang natanggal sa trabaho dahil sa pandemya.

Paliwanag ni Angara, ang ₱3,500 – ₱5,000 na halaga ng RT-PCR swab test ay katumbas na ng dalawang sako ng bigas kaya napakalaking gastos para sa gipit at naghahanap ng trabaho.

Paliwanag pa ni Angara, bagama’t online ang job application ay may pagkakataon na mangangailangan ng swab test kapag luluwas sa isang lungsod o para sa face-to-face interview, o actual demonstration ng skills.


Nakapaloob sa inihaing Senate Bill number 2291 ni Angara na Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang sasagot sa COVID-19 test ng job applicant.

Oobligahin din ang mga COVID-19 testing centers na magreserba ng slot para sa mga magkukuwalipika sa nabanggit na libreng COVID-19 test.

Facebook Comments