LIBRENG DIALYSIS TREATMENT CENTER SA SAN CARLOS CITY, INAASAHANG MAGBUKAS SA KALAGITNAAN NG 2026

Hindi na kailangang bumiyahe nang malayo ang mga pasyenteng mula sa San Carlos City na nangangailangan ng dialysis sa sandaling magsimula ang operasyon ng bagong dialysis treatment center sa lungsod.

Pormal na pinasinayaan kahapon, Pebrero 16, ang bagong dialysis treatment center na magbibigay ng libre o walang bayad na serbisyo.

Sa kasalukuyan, marami sa mga residente ang napipilitang magtungo sa ibang bayan para magpa-dialysis.

Ayon sa ulat, ang naturang pasilidad ay kayang maghatid ng mahigit 1,000 dialysis cycles at ang gastos ay sasagutin ng PhilHealth, habang ang karagdagang pondo para sa iba pang bayarin ay laan ng lokal na pamahalaan.

Bagamat kumpleto na ang kagamitan, inaasahang sa kalagitnaan pa ng 2026 sisimulan ang operasyon nito dahil sa kinakailangang lisensya mula sa Department of Health (DOH).

Facebook Comments