Manila, Philippines – Sumugod sa punong tanggapan ng Commission on Higher Education (CHED) ang Kabataan Partylist, League of Filipino Students at Stand UP upang tuligsain ang hindi pa rin naipapalabas na Implementing Rules and Regulations kaugnay ng implementasyon ng Free Tuition Fee.
Ayon kay Ruth Lumibao, media officer ng Kabataan Partylist, anim na buwan na ang nakalipas mula nang pagtibayin ang Universal Access to Tertiary Education Act, hindi pa rin nakakapagpalabas ng IRR ang United Student Financial Assistance System for Tertiary Education o UNiFAst Board.
Nagiging dahilan tuloy ito ng mga unibersidad at kolehiyo na patuloy na makapaningil pa rin ng matrikula.
Naniniwala ang grupo na sinasadyang iniaantala ng husto ang IRR dahil gusto pa rin mapanatili ang polisiya ng pagkamal ng sobrang kita sa edukasyon.
Ipinapakita aniya nito na walang sinseridad ang Duterte Administration sa pangakong libreng edukasyon para sa mga mahihirap na mag aaral.